Ni Mike Sanchez
Kailangang maitawid ng bawat team, isa-isa ang mga kalalakihan, na hindi hahawak o sasabit ang kahit anong parte ng kawatan o kasuotan sa mga “spider web”.
Yan ang goal ng isa sa mga activities namin sa WFA MEN’S GATHERING na ginanap nito lang nakaraang Sabado.
Grabe ang competitive spirit ng mga men! May mga naghubad. May nag offer na tuntungan ang kanyang likod.
It’s a great lesson about teamwork, communication, and problem solving skills. Pero sa kin, ito ay napakalaking lesson about community.
Una: MAHALAGA ANG PAGTITIWALA. Para maitawid ka nang ligtas, kailangan mong hayaang buhatin at hawakan ka ng iyong mga kasama. Kailangan mong magtiwala na hindi ka nila pababayaan.
Sa isang community tulad ng Wednesday Feast Alabang, tinuturuan tayong maging vulnerable— ang magtiwala sa ating mga kapatid. Kapag mabigat ang buhay, alam nating may mga kamay na handang sumalo at tumulong sa atin.
Ikalawa: IBA’T-IBA ANG ROLE SA IISANG GOAL. Sa activity na ito, may mga tagabuhat, may mga taga-bigay ng direksyon, at may mga tumatawid. Lahat sila ay mahalaga. Kung puro tagabuhat at walang gumagabay kung sasabit ng ang paa ng tumatawid, mabibigo ang team.
Bawat isa sa atin ay may iba’t ibang talents at gift mula sa Diyos. Ang kagandahan ng isang community ay ang pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba (1 Cor 12:12). Ginagamit natin ang ating lakas para punan ang kahinaan ng iba.
Pinapaalala sa ating ng activity na ito, na sa buhay, hindi pwedeng soloista ka.
Hindi mo kayang tawirin ang mga pagsubok ng buhay na mag-isa. Kailangan natin ng isang community tulad ng Wednesday Feast Alabang, na tutulong sa ‘yong magbuhat kapag hindi mo na kaya. Isang community na gagabay sa ‘yo kapag hindi mo makita ang tamang daan. Isang community na kasama mong mag se-celebrate tuwing mapagtatagumpayan mo ang mga challenges ng buhay.

