SANA MAY VISITING HOURS SA LANGIT

𝘉𝘺 𝘒𝘶𝘺𝘢 𝘋𝘢𝘯

Minsan naiisip ko… paano kaya kung may visiting hours sa langit? Kahit isang beses lang sa isang taon. Kung puwede lang, aakyat ako para makita sina Nanay, Tatay, Ate at Kuya ko na nauna nang umuwi sa Diyos. Siguro yayakapin ko sila nang mahigpit, ikukwento ko lahat ng nangyari sa buhay ko, at maririnig ko ulit ang mga tinig nila. Sasabihin ko rin ang mga bagay na hindi ko nasabi sa kanila noong sila’y kasama ko pa. Grabe, ang saya siguro kung gano’n.

Pero alam ko rin na hindi gano’n ang plano ng Diyos. Wala ngang visiting hours sa langit, pero may mas magandang pangako Siya—na balang araw, magkikita-kita kaming muli at doon, wala nang iwanan. Wala nang luha, wala nang sakit, puro kagalakan na lang.

Sabi nga sa Pahayag 21:4: “At papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata. Hindi na magkakaroon ng kamatayan, dalamhati, pagtangis o sakit pa, sapagkat ang dating mga bagay ay lumipas na.”

Kaya kahit miss na miss ko na sila, pinipili kong magtiwala. Alam kong hawak ng Panginoon ang lahat, at darating din ang araw ng muling pagkikita. Sa ngayon, sapat na ang dasal, alaala, at pananampalataya.

Hanggang sa dumating ang araw na iyon… sa Diyos muna ang visiting hours ko.

#GOTO #GodOfTheOrdinary
#WFALoveConnects